Ang Mga Kaibigang Hindi Mo Inaasahan
Minsan, may mga taong hindi mo inaasahang magiging kaibigan mo sa trabaho.
Sa umpisa, trabaho lang ang pinag-uusapan. Mga nakakatuwang nangyari sa opisina, mga nakakainis na customer, deadlines, at kung anu-ano pang reklamo sa araw-araw.
Pero habang tumatagal, unti-unti nang lumalalim ang mga usapan. Hindi na lang tungkol sa trabaho.
Napupunta na sa mga personal na kuwento. Mga pangarap, mga sikreto, inis sa asawa, pagpapalaki ng mga anak, anong ulam ang lulutuin pag-uwi, o kahit simpleng problema sa buhay. Hanggang sa hindi mo na namamalayang kilalang-kilala na ninyo ang isa’t isa.
Ang naiisip ko lang, ang dami-dami nating nakakasalamuha sa trabaho. Araw-araw may mga bagong tao, iba’t ibang ugali, iba’t ibang kuwento. Pero bakit kaya may iilan lang na nagiging tunay nating kaibigan?
Siguro dahil hindi lang pareho ang lugar na pinagtatrabahuhan ninyo. Nagtagpo rin kayo sa tamang panahon, nagkaintindihan, at naging komportable kayong maging totoo sa isa’t isa.
Kayo naman, mayroon din ba kayong naging matalik na kaibigan dahil sa trabaho? Kung oo, paano nagsimula ang pagkakaibigan ninyo? Baka gusto ninyo ring ibahagi ang kuwento ninyo.